PARISHES (EAST)




ROMAN CATHOLIC DIOCESE OF MALOLOS
Vicariate of St. Anne

Paunang Salita: Ang mga Silangang Parokya

   Ang Bikarya ni Sta. Ana ng Hagonoy ay kinabubuuan ng siyam (9) parokya: anim na parokya sa Hagonoy, isa sa Calumpit at dalawa sa Paombong. Apat ang matatagpuan sa silangan ng bikarya: Ang Parokya ni Sta. Elena Emperatriz, ang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, ang Parokya ni Santiago Apostol at ang Pangmisyong Parokya ng Sta. Cruz.

   Ang Parokya ni Sta. Elena Emperatriz sa Sta. Elena, Hagonoy ang pangatlong pinakamatandang parokya sa bikarya. Isa ito sa mga natatanging parokya sa lalawigan sapagkat ito lamang ang nakatalaga kay Apo Elena, ina ng Emperador Konstantino. Sakop nito ang mga barrio ng Sta. Elena, Sagrada Familia, Pugad at Tibaguin.
  
   Ang pinakabago at pinakabata naman sa mga ito ang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa San Pedro na naitatag noon lamang 1998. Sakop nito ang mga barrio ng San Pedro, San Pablo at Abulalas sa Hagonoy at San Isidro II. sa Paombong.

   Ang ika-walo at ika-siyam na parokya ay ang Parokya ni Santiago Apostol na sinimulan noong 1639 bilang isang parokyang nakapailalim sa Katedral sa Malolos at ang Pangmisyon na Parokya ng Sta. Cruz sa isla ng Sta. Cruz. Ang mga ito ay naisama sa Bikarya ni Sta. Ana simula noong Hulyo 2012.

MGA KURA PAROKO AT KATUWANG NA PARI:

Rdo. P. Jaime B. Malanum

Kura Paroko

Parokya ni Sta. Elena Emperatriz

Rdo. P. Carlo S. Soro

Kura Paroko

Parokya ng Ina ng Laging Saklolo

Rdo. Msgr. Epitacio V. Castro, H.P.
Kura Paroko
Parokya ni Santiago Apostol

Rdo. P. Leopoldo S. Evangelista III
Kura Paroko
Pangmisyong Parokya ng Sta. Cruz


MGA SILANGANG PAROKYA NG BIKARYA NI STA. ANA (4):

Parokya ni Sta. Elena Emperatriz
Sta. Elena, Hagonoy, Bulakan


Kasaysayan ng Parokya


Akda ni: Marvin M. Magbitang (Parokya ni Sta. Elena Emperatriz)


   Ang Parokya ni Sta. Elena Emperatriz ay nagsimula bilang isang mababang sitio sa bayan ng Hagonoy sa Bulakan na may kakaunting naninirahan.
Ito ay pook na marami ang sasahan, sapa at ilog sa paligid kaya ang mga nakatira dito ay mga mangingisda. Isang araw, isang lalaki rito ang dali-daling umuwi sapagkat nakakuha siya sa isang maputik na sapa ng isang makapal na tela at may nakapintang larawan ng isang babae sa paanan ng isang krus. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin dito, kaya naisip niyang dalhin ito sa Kura Paroko sa Parokya ni San Juan Bautista sa bayan ng Calumpit na noong panahong iyon ay ang bayang nakasasakop sa Hagonoy.



   Naiwan na doon sa pari ng Calumpit ang larawan. Sa isang pangingisda uli ng taong iyon, nakuha nanaman niya ang nakapintang larawan sa lugar ding iyon at ibinalik sa pari ng Calumpit. Ngunit isang himala at muling bumalik at nakita sa lugar na ito ang nakapintang larawan. Pinag-aralang mabuti ng Kura Paroko ang larawan na nakapinta sa tela at ipinasiyang ipagpagawa ng isang bisitang yari sa pawid.


   Mula noon hanggang sa kasalukuyan, tinawag na ang lugar na itong Sta. Elena, kung saan ang larawang nakapinta sa tela ay nanatili pa hanggang sa ngayon sa simbahan. Daang taon na ang nakakaraan ngunit ang nakapintang larawan na walang iba kundi si Sta. Elena at ang Sta. Cruz na kanyang natagpuan ay nanatiling maganda pa at tunay na mapaghimala.



   Ipinagdarayo ng maraming taga-rito at ng taga-ibang bayan, ang iba'y namamanatang gumusar na kapitan o kapitana tuwing kapistahan ng santa. Malaki ang debosyon ng mga tao kay Sta. Elena na kung tawagin nila ay mapaghimala. Sa pagdiriwang ng parokya sa patrona tuwing ika-4 ng Mayo, napakaraming tao ang namimista, puno ang simbahan, ang patyo, at pati karsada. Kaya mula sa tulay ng Kaysuka, naglalakad lamang ang mga tao patungo sa simbahan ng Sta. Elena. Ang laminang natagpuan sa sasahan ay ang siyang ORIHINAL na STA ELENA de HAGONOY na hanggang ngayon ay pinaparangalan ng mga deboto at debota.


   Bunga ng napakalaking debosyon na ito, ang simbahan ng Sta. Elena ay naging anak na parokya ng Parokya ni Sta. Ana noong ika-11 ng Enero, taong 1941 sa bisa ng isang kautusang nilagdaan ng yumaong Arsobispo ng Maynila, ang Lubhang Kgg. Michael J. O'Doherty bagamat ang unang kura paroko na si Rdo. P. Melchor A. Barcelona ay nagsimulang maglinkod noon pa mang mga huling linggo ng Disyembre, 1940. Matapos ang ilan pang naging Kura Paroko, naging pinunong pari dito si Rdo. P. Jaime B. Malanum noong ika-15 ng Nobyembre, 2013.

   Sa kasalukuyan, sakop ng parokyang ito ang mga sumusunod na bisita: Sta. Elena (Patrona: Sta. Elena), Sitio Buga (Patrona: Virgen Medalla Milagrosa), Sagrada Famili (Mga Patron: Sagrada Familia), Sito Tangos (Kristong Hari), Tibaguin (San Rafael Arkanghel) at Pugad (San Ignacio ng Loyola).

Ang Simbahan


   Ang Parokya ni Sta. Elena Emperatriz ay isa sa mga bagong gawang simbahan ng bayan ng Hagonoy. Mas pinalaki ng husto ang simbahan dahilan ng dami ng mananampalataya sa lugar na iyon. Ang laki ng simbahan ay umabot sa paglalagay ng malaking dome at ang bagong ukit na pintuan. Ang pintuan na makikita sa larawan sa ibaba ang mag-inang Sta. Elena at ang Emperador Konstantino na silang naging mga patron at patrona sa pagdepensa sa pananamapalatayang Katoliko. Makikita rin sa paligid ng pintuan ang mga puno ng bakawan at sasa. Ito ang mga punong nagbibigay ng yaman sa lugar ng Sta. Elena. Sa mga ito nagmumula ang mga produktong nagbibigay yaman sa barrio at bayan.



   Ang loob naman ng Simbahan makikita ang replica ng Sta. Elena Emperatriz na mahahanap sa Sagrada Familia, Hagonoy kasama ng orihinal na pinaparangalan na imahen, ang lamina na nasa sanktuwaryo. Kapansin-pansin na lumaki ng husto ang looban ng simbahang bato at pinaganda. Ang imahen ni Sta. Elena ay usong mayroong maraming damit na nasusuot. Makikita ito sa kwardo sa ibabang larawan na mayroong matitingkad na damit.


   Ang kapilya ng Buga na makikita sa tapat mismo ng kailugan ng Sta. Elena ay isa ding natatanging kayamanan. Bagamat hindi ito bisita, isa ito sa mga pinakalumang mga simbahan sa lugar. Patrona nito ang Virgen Medalla Milagrosa at nananatili itong lugar na sinisimbahan ng mga mananamapalataya. Katangi-tangi sa kapilyang ito ang laman nitong altar na mayroong mga antigong imahen ng mga santo at santa. Bukod dito, ito rin ay naaayon sa lumang liturhiyang Tridentino. Kaya naman, isa itong natatanging kayamanan ng isang di halos mapansing simbahan.

Mga Sakop na Bisita (3):

Bisita ni San Rafael Arkanghel
Tibaguin, Hagonoy, Bulakan



   Ang Bisita ni San Rafael Arkanghel ay makikita sa isla ng Tibaguin, Hagonoy. Maganda ang pagkakagawa ng bisitang ito at bagong paggawa pa lamang ang ilang bahagi nito. Taong 1971 pa ito nuong maitatag dala ng mabilis na pagkakahiwalay ng Simbahan ng Sta. Elena bilang isang parokya. Nakapaloob sa bisitang ito ang antigong imahen ng San Rafael Arkanghel, pati na rin ang isang napakagandang imahen ng Virgen de Inmaculada Concepcion.

Bisita ni San Ignacio ng Loyola
Pugad, Hagonoy, Bulakan



    Ang bisita naman ng Pugad na ang patronato ay kay San Ignacio ng Loyola ay makikita sa pinakadulo ng bayan sa gawing timog. Ito ay isang sentro ng lipunan dala ng pagiging gitna ng mga pagdiriwang. Dito ginaganap ang iba't ibang pagdiriwang bukod sa mga kapistahan tulad sa kapistahan ni San Martin de Porres tuwing Nobyembre kung saan ginaganap rito ang "Pistang Dagat" o ang kapistahan para sa pasasalamat ng aning isda. Ginaganap naman ito sa parola sa dulo ng dagat kung saan nakabangka lahat ng nagsisimba.

Bisita ng Sagrada Familia (Banal na Mag-anak)
Sagrada Familia, Hagonoy, Bulakan




   Ang Bisita ng Sagrada Familia sa barrio ng Sagrada Familia, Hagonoy ay isa sa mga pinakaunang natatag na simbahan sa bayan at isa rin sa mga pinakamalaki. Hindi pa ito napapagawa kaya naman makikita pa rin ang tanda ng lumang Hagunoy sa paligid nito. Sa labas ng simbahan malaki ang patio at pati ang simbahan mismo ay isang hugis krus na pigurang natatangi at kilala sa mga lumang simbahan. Sa loob naman ay makikita ang laki ng sanktuwaryo at marami itong lamang mga antigong imahen. Ngunit isang bagay na kapansin-pansin rito ay ang mga kakaiba nitong mga salamin na yari sa iba't ibang pagkakakulay ng glass na madalang nang makita sa ibang mga simbahan.


   Sa loob naman ng isang pribadong kapilya sa Sagrada Familia makikita ang antigong imahen ni Apo Elena ng Hagunoy na orihinal at ginagamit sa pansariling prusisyon sa Kapistahan ni Apo Elena sa Sagrada tuwing ika-una ng Mayo na hiwalay sa pista ng parokya tuwing ika-apat naman ng Mayo. Makikita ang kakaibang pigura nito na hindi magaya ng kahit sinong manguukit dahil sa kagandahan nito. Pinangangalagaan ito ng pamilyang San Juan na sa ilang taon na ang naging mga camarero ng santa at nagsisilbing mga nagpapatuloy sa mga gustong manalangin sa santang patrona.


Parokya ng Ina ng Laging Saklolo
San Pedro, Hagonoy, Bulakan


Kasaysayan ng Parokya


Akda ni: Jenalyn R. Jumaquio (Parokya ng Ina ng Laging Saklolo)



   Nagsimula sa isang maliit at payak na pananampalataya ang debosyon sa Ina ng Laging Saklolo ng mga tao sa isang simpleng dambana na naging “quasi-parish” o malaparokya sa San Pedro sa bayan Hagonoy, Bulakan noong 1998. Nabuo ito mula sa iba’t ibang barrio at sitio: ang mga barrio ng San Pablo (dating sakop ng Parokya ni Sta. Elena Emperatriz) at San Pedro (dating sakop ng Parokya ni Sta. Ana) at Abulalas (Birhen ng Lourdes, dating sakop ng Parokya ni San Antonio de Padua) upang mabuo bilang isang mala-parokya o quasi-parish sa Hagonoy. Bukod sa mga ito, sakop din nang nasabing malaparokya ang barrio ng San Isidro II ng Paombong kasama ang mga sitio ng Bubog (Sta. Cruz), Bagong Ilog (San Rafael) at Bangongon (Mahal na Puso ni Hesus).




Mga Pastol ni Ina…

   Si Rdo. P. Paul Samuel M. Suñga ang unang paring nagtatag at nagpakilala sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo dito sa Hagonoy, Bulacan, na tinaguriang “Baklaran ng Bulakan” ng Lubhang Kgg. Rolando J. Tria Tirona, O.C.D., D.D., ikatlong Obispo ng Malolos. Sa pangunguna ni P. Suñga at sa tulong ng mga deboto, napatayo ang dambanang bato ng Ina ng Laging Saklolo. Sa tagal niyang pagiging pastol ng parokya ni Ina (14 na taon), marami siyang nahubog na mga kabataan at mga mananampalatayang lubos na nagmamahal sa Ina ng Laging Saklolo. Mula sa maliit at simpleng dambana noon, naging isa na ngayon itong ganap na parokya noon 2007.

   Noon namang Hulyo taong 2012, nag-umpisa pagpapastol sa Parokya ni Ina na sa katauhan ni Rdo. P. Norberto F. Ventura, na nagmula sa parokya ng Mahal na Puso ni Hesus sa San Miguel, Bulakan, ang pangalawang paring nangasiwa at nagturo ng mga aral ng ating Panginoong Hesukristo sa mga mananampalataya ng parokya. Kahit na naging maikli lang ang panahon ng kanyang pamamalagi sa parokya nasimulan pa ni P. Ventura ang pagmimisa tuwing unang Biyernes ng buwan na tinawag na “healing mass.”

   Si Rdo. P. Carlo S. Soro na nagmula sa Parokya ng Sta. Cruz Paombong, Bulacan ang pangatlong nadestinong pari at kasalukuyang Kura Paroko ng sambayanan sa parokya ng Ina Ng Laging Saklolo. Si Fr. Carlo ay dumating noong ika-15 ng Nobyembre taong 2013 at itinalaga noong ika-15 ng Enero taong 2014 bilang bagong pari ng Ina ng Laging Saklolo ng Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, D.D., kasalukuyang Obispo ng Malolos. Sa kanyang pagpapatuloy sa pangangaral ng Mabuting Balita ng ating Panginoong Hesukristo, lalo pang dumami at nadagdagan ang mga deboto at mananampalataya sa Mahal na Ina. Siya ang magpapatuloy upang mahubog at dumami pa ang mga deboto ng Ina ng Laging Saklolo.

Debosyon at Pagsibol ng Pananampalataya

   Dahil sa mga mananampalataya at masidhing debosyon ng mga tao ay matagumpay na napatayo ang dambanang bato ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Sa pagtutulungan, pagbubukluran, at pagkakaisa ng mga deboto ng Ina ng Laging Saklolo sa pananampalataya ay lalo pang lumawak ang pamimintakasi sa Mahal na Ina. Dito sa parokyang ito, kapansin-pansin ang patuloy na pagdami ng mga taong mananampalataya na nakikiisa sa pagiging aktibo sa pananalangin at pagsamo kay Maria. Ang lubos na pagsuporta ng mga taong ito sa pagdedebosyon sa Mahal na Ina tuwing Miyerkules ay nagpapatunay lamang na ang pagtangkilik at pagsuporta nila ay hindi nawawala at patuloy pa ring nagtitiwala sa Kanya. Bunga ng masidhing debosyon sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo, nakilala na rin ito hindi lamang sa Hagonoy kundi pati na rin sa buong Bulakan. Sa bawat parokya at mga bisitang nasasakupan nito, mayroong matatagpuang larawan o imahe ng Ina ng Laging Saklolo. Ito ang nagpapatunay sa matibay nating pagkapit at debosyon kay Maria ang ating Ina ng Laging Saklolo.

Ang Simbahan



   Ang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo ay ang pinakabata sa mga pamayanang Katoliko ng bayan at bikarya ng Hagonoy. Itinatag ito noong taong 2000 at nagumpisa sa isang dambanang yari sa kawayan na itinayo sa barrio ng San Pedro, Hagonoy, Bulacan. Dahilan ng mataimtim na debosyon ng mga taga-Hagonoy sa Ina ng Laging Saklolo, minarapat ng itinalagang paring tagapamahala noon na naging unang Kura Paroko, si Rdo. P. Paul Samuel M. Suñga.



   Itinayo sa loob ng sampung taon (10 yrs.), ang simbahan ng Ina ng Laging Saklolo ay dulot ng kabutihang loob ni Gng. Severina delos Santos-Porter. Sa pagkakayari ng dambana, idineklara na ito bilang isang ganap na parokya sa pamumuno rin ni P.Suñga noong 2007. Kakaiba ang naging istraktura ng parokya dala ng modernisasyon. Kapansin-pansin na walang krus ang harapan nito, ngunit makikita sa unang stain glass ang Mahal na Birheng Maria kasama ng anak na si Hesus. Sa magkabilang panig naman, kapansin-pansin ang ibang stain glass na may santo o santa. Ito ang mga patron ng bawat barrio na sakop ng parokya: Birhen ng Lourdes (Abulalas), San Pedro (San Pedro), San Pablo (San Pablo) at San Isidro (San Isidro II).




   Isa din sa mga kakaibang bumubuo sa simbahan ay ang retablo na kung saan makikita ang isang mosaic ng Ina ng Laging Saklolo. Pinalibutan ito ng mga palamuting seramiko upang tumingkad ang larawan ng Mahal na Ina na kalong ang kanyang anak na si Kristo. Sa taas nito makikita ang dalawang anghel na may dalang trumpeta. Sa tuktok naman ay an krus na nakaturok upang maging alaala ng dakilang sakripisyo ni Kristo.


   Makikita naman sa kisame ng simbahan ang mala-barkong pigura na gawa sa kahoy na ipinagawa ng parokya sa inhinyero na is Ernesto Sy. Simbolo ang mala-barkong pigura ng simbahang naglalakbay sa lupa, ang simbahan na nagsusumikap na maging ganap sa Panginoon.


Mga Sakop na Bisita (4):



Bisita ni San Pedro Apostol

San Pedro, Hagonoy, Bulakan




   Ito ang pinakamalayong sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana bago maging luklukan ang barrio ng San Pedro ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo noong 1998. Ang bisita ni San Pedro Apostol ay isa sa mga lumang bisita na nakatirik pa hanggang sa kasalukuyan sa orihinal nitong disenyo. Makikita ito ilang metro mula sa simbahang parokya at tinitirhan dati ng Kura Paroko bago inilipat sa kasalukuyang lugar ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo. Bukod sa mga misa buwan-buwan, dito rin ginaganap ang Tenebrae o ang tradisyunal na rito ng pag-ihip ng pitong kandila, tanda ng pagkakanulo kay Kristo na ginaganap tuwing Miyerkules Santo.

Bisita ni San Pablo Apostol
San Pablo, Hagonoy, Bulakan



   Ang bisita naman ni San Pablo Apostol ay isa din sa mga lumang bisita sa orihinal nitong ayos. Sakop naman ito noong ng Parokya ng Sta. Elena bago napunta sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo noong 2000. Nakaharap ito sa isang patubig na kung saan makikita na ang Labangan Channel papuntang Sta. Elena at ang mga isla ng Pugad at Tibaguin. Dito ginaganap taun-taon ang paglilibing ng Santo Entierro tuwing Biyernes Santo at ang pagsalubong ng Kristong Muling Nabuhay tuwing Linggo ng Pagkabuhay ng Panginoon.



Bisita ng Nuestra Señora del Lourdes

Abulalas, Hagonoy, Bulakan



   Ang bisita ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Abulalas ay sakop noon ng Parokya ni San Antonio de Padua, Iba, Hagonoy. Natatangi ang bisita dahil sa itsura ng istraktura ng simbahan na tulad din sa bisita ni San Pedro Apostol. Sa labas ng simbahan, mapapansin ang kulay ng simbahan na asul at puti, tanda ng Mahal na Birhen ng Lourdes na nagpakita sa Pransya kay Bernadette Soubirous. Sa loob naman ng bisita makikita ang isang napakagandang saktuwaryo na mayroong dalawang imahen ng Mahal na Puso ni Hesus at ang Kalinis-linisang Puso ni Maria. Maganda din ang disenyo ng pintuan ng bisita dala ng pagkakaayos nito bilang isang krus na may liwanag. Dito ginaganap ang pagsalubong ng Birheng Maria tuwing Linggo ng Pagkabuhay taun-taon.

Bisita ni San Isidro Labrador
San Isidro II, Paombong, Bulakan


   Dating sakop ng Parokya ni Santiago Apostol sa Paombong, hiniwalay ang bisita na ito ni San Isidro dala ng kapalitan nito sa San Pedro, Hagonoy. Ito'y sapagkat nagsisilbing hangganan ang parehong barrio, isa sa kaliwa at isa sa kanang bahagi ng Labangan Channel na naghihiwalay sa dalawang bayan. Patron dito si San Isidro Labrador dala ng dami ng bukirin at mga pilapil sa lugar na ito. Madalas gawin dito ang prusisyon para sa pagdiriwang ng Kristong Hari. 

Parokya ni Santiago Apostol
Poblacion, Paombong, Bulakan


Kasaysayan ng Parokya

Akda ni: Gng. Nida V. Basaysay (Parokya ni Santiago Apostol)


   Umusbong ang pag-asa at pananampalataya sa bayan ng Paombong noong 1639, kaya humigit kumulang 370 taong nakatayo ang simbahang pinagmulan ng Kristyanismo sa bayan ng Paombong sa pangunguna ng mga paring Agustino. Dumating ang pagkakataon na naging malayang parokya ang Santiago Apostol sa Paombong, Bulakan. Noong 1771, naitatag ang kapatirang Confradia Nuestra Senora de la Correa at sa panahon ding ito nagkaroon ng kauna-unahang paring Pilipino na tubong Paombong na si P. Juan Sumera na tubong Paombong. Sa panahong ito naitayo ang kauna-unahang paaralang Ingles sa kumbento ng simbahan. Itinayo ang Paombong Catholic School para sa mga bata ng walang sawa sa pag-aaral mula unang grado hanggang ika-pito, ngayon ito ay kilala rin bilang St. Martin de Porres Catholic School. Napalitan ni P. Pedro Pajarillo si P. Sumera, naitatag niya ang Boy scouts sa Paombong Catholic School.



   Patuloy ang pagpapaayos ng simbahan. Nagkaroon pa ng iba't ibang pari ang parokya, napalitan ni P. Enriquez Reyes si P. Pajarillo, sumunod si P. Marcelino Fajardo at sumonod si P. Robert Dela Cruz, Taong 1941 nasakop ng mga Hapon ang ating bansa, isa ang bayan ng paombong sa nakaranas ng pananakop at ito ang naging daan upang mapatibay ang pananampalataya ng mga mamamayan ng Paombong, dahil sa isang himala na hindi maipaliwanag isang tunay na kababalaghan na kanilang namalas ng araw na ang mga sundalong Hapon ay pumasok sa simbahan at nagsagawa ng tinatawag na sona habang ginagawa ito, isang madagundong na tunog ang kanilang narinig isang malakas na tila yabag ng kabayo kaya natakot ang mga sundalong Hapon at pinalaya lahat, tinawag nila itong isang milagro sa patnubay ni Santiago Apostol ang ating Patron kasama ang kanyang putting kabayo tayo ay naligtas sa kapamahakan. Nagpatuloy ang hangaring maipagawa ang simbahan at noong taong 1962 ang Bulacan ay pinatayong kahaig ng Arsobispado ng Maynila. Naging Obispado at pinamunuan ni Obispo Manuel P. del Rosario. Sa panahong ito, sa ilalim ng pamamahala ni Rdo. P. Hilario San Juan ang katuwang na pari ng Kura Paroko P. Hermogenes C. Ersando, sinimulan ang bagong simbahan (1964), napalitan sina P. Ersando at P. San Juan ni P. Gonzalo Sarreal, halos malapit ng mayari ang simbahan napalitan si P. Elesio Peregrino na sinikap o nagsikap sa tulong ng mga mananampalataya na mahusto ang kayarian ng simbahan. Makalipas ang ilang taon nahalinhan si P. Peregrino ni Msgr. Enrique Magisa kasunod si P. Erasmo Lapig at si P. Ronaldo Ang. Pinagpatuloy ang pagsasaayos ng Simbahan ng dumating sina P. Luciano C. Balagtas na siyang Kura Paroko at P. Ronaldo Samonte na katuwang na pari noong 2000.



   Lalong sumigla at naging buhay ang pakiki-isa ng mga mananampalataya sa Parokya ni Santiago Apostol. Taong 2009, pumalit na kahalili sina P. Regino C. Asuncion at P. Teodorico Trinidad kina P. Balagtas at P. Samonte. Sa panahon ni P. Regino Asuncion nagpatuloy ang pagpapaganda ng simbahan nagpagawa siya ng Bell Tower sa harapan ng simbahan upang makapukaw ng atensyon ng mga mananampalataya na magsimba. Ngunit mapaglaro ang tadhana di pa lubusan at nagtatagal ang pananatili ni P. Reggie bilang kura paroko siya ay binawian ng buhay, nalungkot ang mananampalataya ng Paombong sa hindi inaasahang pangyayari kaya upang may magpastol at magbigay gabay naging panandaliang tagapamahala ng parokya si P. Edmar Estrella.



   Taong 2012, sadyang napakabuti ng Diyos dahil muling binigyan ng panibagong tagapastol ang Parokya ni Santiago Apostol ng isang masipag, mababang loob, mahinahon at puno ng kaalaman na magpapaunlad sa bawat samahang pangsimbahan at mananampalataya. Ito ay sa katauhan ni P. Prospero V. Tenorio na nagpatuloy ng kasaysayan. Sa panahon rin na ito nasama ang parokya mula sa Bikarya ng Inamaculada Concepcion sa Malolos sa Bikarya ni Sta. Ana sa Hagonoy. Ang debosyon, pamimintuho, buhay at masiglang pananampalataya sa bayan ng Paombong. Sa kanyang pagkakatalaga sa Pambansang Dambana at Parokya ng Banal na Awa ng Diyos noong 2013, naging Kura Paroko sa kasalukuyan si Rdo. Msgr. Epitacio V. Castro, H.P. kasama sina Rdo. P. Romeo S. Sasi at Rdo. P. Ver Rhoneil Cristobal ng Sta. Cruz Mission Parish bilang mga katuwang na pari. Sila ang kasalukuyang nagibibgay ng gabay para sa mga mananampalataya ng parokya.


   Minamahal naming Santiago Apostol Patron Ka ng aming bayang Paombong huwaran ka, Sandigan ka ng Buhay naming laan.

Pangmisyon na Parokya ng Sta. Cruz
Sta. Cruz, Paombong, Bulakan


Kasaysayan ng Parokya


Inihanda ng:

Opisina ng Parokya

(Pangmisyong Parokya ng Sta. Cruz at Joshua James G. Sacdalan)



   Ang bisita ng Sta. Cruz ay nagsimula lamang sa pagiging isang maliit na dalanginan na pinagmimisahan ng mga pari sa Parokya ng Santiago Apostol. Makalipas ang ilang taon, binuwag ito at nagpatayo ng isang bisita yari sa bato habang nasa pamumuno pa rin ng parokya sa kabayanan. Buhat noon ay pinagsisikapan ng mga mamamayan sa pangunguna ng katandaan na palakihin at pagandahin noong 1966.

   Sa kasalukuyan ang bisitang ito ay isa nang simbahang maunlad na naging malaparokya (quasi parish) noong 1997. Sakop ng parokyang ito ang mga barrio ng Masukol, Binakod, Lantad, Sito Vitas at Sito Kityang Wawa, lahat ay nasa bayan ng Paombong, Bulakan.


   Ito ngayon isang ganap na parokya at dahil nasa kalayuan ito, tinatawag itong mission parish o pangmisyon na parokya. Opisyal na kinonsagra ang simbahang bato sa isla ng Sta. Cruz noong ika-27 ng Mayo, 2000 sa Dakilang Jubileo ng Simbahang Katoliko. Sa kasalukuyan, nabubuo ang Sambayanan ng Diyos sa lugar na ito ng mga nasasakupang mga bisita ng Masukol, Binakod, Sitio Lantad at Sitio Balot. Taun-taon ay nagaganap ang prusisyon sa mga kailugan tuwing Mayo para sa pagpaparangal sa Sta. Cruz.

   Sa pamamalagi ng parokyang ito bilang isang Sambayanan ng Diyos ang mga sumusunod na mga pari ang nangalaga sa mga taga-isla ng Sta. Cruz: Rdo. P. Joselito Cruz, Rdo. P. Jaime Malanum, Rdo. P. Jun Manalo, Rdo. P. Benito Justiniano, Rdo. P. Angelito Santiago, Rdo. P. Carlo Soro at Rdo.Ver Rhoneil Cristobal na kasalukuyang Kura Paroko mula noong ika-15 ng Nobyembre, 2013. Pinalitan naman siya ni Rdo. P. Leopoldo Evangelista noong Agosto 2014.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento