PARISHES (WEST)







ROMAN CATHOLIC DIOCESE OF MALOLOS
Vicariate of St. Anne


Paunang Salita: Ang mga Kanlurang Parokya

   Ang Bikarya ni Sta. Ana ng Hagonoy ay kinabubuuan ng siyam (9) parokya: anim na parokya sa Hagonoy, isa sa Calumpit at dalawa sa Paombong. Dalawa ang matatagpuan sa kanluran ng bikarya: Ang Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana at ang Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario.

   Ang pinakamatanda at pinakauna sa mga ito ay ang Parokya ni Sta. Ana sa Sto. Niño, Hagonoy. Itinalaga ito bilang Pambansang Dambana ng Pilipinas noong 1991. Sa kasalukuyan ay lagpas 430 taon na ito bilang isang Simbahan ng Panginoon at lagpas 20 taon bilang sanktuwaryo para sa debosyon kina Apo Ana at San Joaquin sa bansa. Anim ang sakop nitong mga barrio ng bayan ng Hagonoy: Sto. Niño, Sta. Monica, San Jose, San Sebastian, San Agustin at San Nicolas.

   Sumunod naman dito ang Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario na mahahanap sa Sto. Rosario, Hagonoy. Sakop ng parokyang ito ang mga sumusunod na barrio: Sto. Rosario, San Pascual, Sta. Cruz, San Roque at Mercado.


MGA KURA PAROKO AT KATUWANG NA PARI:

Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas, P.C.
Kura Paroko at Rektor
Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana
Bikaryo Episkopal
Kanlurang Distrito - Diyosesis ng Malolos

Rdo. P. Menald d.L. Leonardo
Katuwang na Pari
Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana

Rdo. P. Juvenson C. Alarcon
Katuwang na Pari
Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana

Rdo. P. Quirico L. Cruz
Kura Paroko
Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario


MGA KANLURANG PAROKYA NG BIKARYA NI STA. ANA (2):

Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana
Sto. Niño (Pob.), Hagonoy, Bulakan





Kasaysayan ng Parokya

Akda ni: Jose Paulo V. Espinosa (Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana)

   Sa apat na daan at tatlumpo’t-tatlong mga dahon ng kasaysayan ng bayan ng Hagonoy, sadyang yumabong na ang debosyon kay Sta. Ana sa mga maliliit na usbong sa mga puso ng bawat mananampalatayang Kristiyano. Taong 1581 sa pangunguna ng mga paring Agustino noong itinirik at itinatag ang Krus ng pamayanang Kristiyano sa bayan ng Hagonoy na noon ay sa lugar na tinatawag na Quinabalon (Kapampangan para sa “sikat”) na ngayon ay nasa bahagi ng barrio ng Sta. Monica at San Jose.

   Si P. Diego Ordoñez de Vivar ang unang paring lingkod sa pamayang Kristiyano sa ilalim ng pamamatnubay ng patronang si Sta. Ana kung saan ang simbahan ay gawa lamang sa magagaang kagamitan. Sa pagunlad nito ay binago at ginamitan na nang bato at ladrilyo. Ilan sa mga sikat na paring lingkod na kapwa Agustino na naglingkod dito sa parokya ay sina P. Joaquin Martinez de Zuñiga na isang Agustinong mananalaysay at si P. Francisco Buencuchillo na may-akda ng Arte y Diccionario Poetico Tagalo. Kilala din na isa sa mga nadestino dito si P. Juan de Villanueva noong 1593 na isa sa mga nagsalin at naglimbag sa Doctrina Christiana. Matapos ang 333 taon ng mga Kastila sa Pilipinas, pinamunuan na ang Simbahan ng Hagonoy ng mga paring Pilipino, ang unang Kura Parokong Pilipino noon ay si P. Clemente Garcia. Ang kanyang kahalili na si Msgr. Mariano Sevilla ay isang tanyag na malikhaing manunulat na Tagalog at nagpayaman din sa kultura ng pamayanan maging sa nasasakupan at kabuhayan ng simbahang kanyang pinaglilikuran. Sila ang mga unang paring lingkod ng simbahan ni Sta. Ana.

   Sa mga taong 1936-1963 ay patuloy na pinaayos ang simbahan na noo’y nakatindig na sa sentro ng bayan ng Hagonoy. Dumaan at napapaloob sa panahong ganap ang ikalawang digmaang pandaigdig kung saan napasailalim ang bayan sa malupit na kamay ng mga Hapones. Isang tanyag at paulit-ulit na kwento ng himala ni Sta. Ana sa bayang kanyang pinanahanan ay ang pagkakasagip ng mga kalalakihan ng bayan sa noon ay tiyak na kamatayn sa mabagsik na kamay ng mga Hapones na sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nabago ang paguutos na halip na patayin ang mga pobreng kalalakihan ay nasulat sa kalatas na palayain at pauwiin sa kanilang mga tahanan. Kaakibat ang matinding tag-gutom na dinanas na bayan kung saan ang biyaya ng Maykapal sa anyo ng mga apulid ay tila bukal na hndi maibsan ang pagdaloy na nagtawid sa gutom at kumakalam na sikmura ng mga Hagonoeño sa sadyang napakhirap na panahon. Mula noon hanggang sa ngayon ay patuloy ang mga himala at pagbukal ng mga biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng mga pamimintuho kay Apo Ana. Ang patuloy na pag-aadya sa mga kalamidad, ang mga biyaya ng kagalingan at supling sa mga nahihirapan na magkaanak; at ang patuloy na pag-gabay at pagpapalakas sa mga nakatatanda pati ang mapayapang kamatayan ng mga ngdedebosyon ay walang patid na biyaya mula sa langit. Ang biyaya ng bokasyon sa pagpapari at pagrerelihiyoso ay isang himala din at biyayang patuloy na tinatanggap ng bayan ng Hagonoy sa pamamagitan ni Apo Ana, ang lola ng bayan ng Hagonoy.

   Oktubre 29, 1991, isang makasaysayang araw na ipinagbunyi ng buong bayan pati ng buong bansa nang italaga ang simbahan ni Sta. Ana upang maging Pambansang Dambana, dambanang sentro ng debosyon ng bansang Pilipinas na pinagtibay ng Kapulungan ng mga Obispo sa bansa sa tulong ng pagsisiskap at debosyon pati ng dating Kura Paroko na si Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. na sa puso at isipan ay itinalaga ang buhay sa isang misyon ng pagpapalaganap ng debosyon kay Apo Ana. Magpasahanggang ngayon sa pamamatnubay ng mga naging kura paroko mula sa panahon ni Msgr. Macario Manahan, na sinundan ni Rdo. P. Reymundo Mutuc at ang kasulukuyang kura na si Rdo. Msgr. Luciano Balagtas ang misyong ito na iniwan ng mahal na Msgr. Jose Agunaldo ay patuloy na pinagsususmikapan ng mga deboto na palaganapin ang debosyon kay Sta. Ana.

   Ang parokya at dambana ay may talong pagdiriwang na patuloy na isinasagawa upang ipagbunyi ang kabutihan ng Diyos sa bayan ng Hagonoy sa pamamagitan ng tuwing Martes na Araw ng Debosyon kay Apo Ana sa pamamagitan ng Prusisyon ng PAgpapakasakit tuwing Martes ng ika-5 ng umaga at sa Banal na Misa na sumusunod dito. Ang tatlong kapistahan, una, Pista ng Pasasalamat ng Bayan kay Sta. Ana – tuwing panahon ng tag-init na karaniwan ay huling Linggo ng Abril. Ikalawa, ang Kapistahan nina Sta. Ana at San Joaquin, tuwing ika-26 ng Hulyo, ang Pista ng Bayan ng Hagonoy at ikatlo, ang anibersaryo ng pagkakatalaga ng simbahan bilang Pambansang Dambana sa tuwing ika-29 ng Oktubre.  



Mga Opisyal na Kapistahan (Official Festival Dates):


Huling Linggo ng Abril (Last Sunday of April)

Pistang Pasasalamat ng Bayan (Thanksgiving Feast of Hagonoy) - Isang pagtitipon ng buong bayan ng Hagonoy upang parangalan si Sta. Ana na siyang tinatawag na "Ina ng Hagonoy" na pintakasi ng buong bayan sa pagdaan ng lahat ng sakuna na naganap sa bayan sa pagtagal ng panahon. Bukod dito itinatampok din ang mga patron ng bawat barrio at parokya sa bayan ng Hagonoy bilang pasasalamat sa kanilang pamamatnubay sa nagdaang mga panahon.

Ika-26 ng Hulyo (26th Day of July)

Opisyal na Pagdiriwang ng Kapistahan nina Sta. Ana at San Joaquin (Official Feast for Sts. Anne and Joachim) - Ito ang liturhikal na pagdiriwang ng kapistahan nina Sta. Ana at San Joaquin sa buong Simbahan. Sa Hagonoy, Bulakan ipinagdiriwang ang buwan ng Hulyo bilang "Buwan ni Apo Ana" na kung kailan nagkakaroon ng mga maringal na pag-aalay ng pasasalamat sa santang patron ng bayan na siya namang ina ng Mahal na Birheng Maria at Lola ni Jesukristo. Kasama din dito ang pagpaparangal kay San Joaquin, na habang magkasama ay nagsisilbing mga patron para sa mga nakatatanda at mga mangingisda ng bayan.

Ika-29 ng Oktubre (29th Day of October)

Taunang Pag-aalala sa Pagdedeklara sa Simbahan ni Sta. Ana bilang Pambansang Dambana (Anniversary of the Declaration of the Church of St. Anne as a National Shrine) - Sa araw na ito iginugunita ang pagiging isang Pambansang Dambana ng Parokya ni Sta. Ana sa Hagonoy. Buhat ng pagtiyatiyaga ng mga mananampalataya ng Hagonoy sa pangunguna ni Rdo. Msgr. Jose B. Aguinaldo, P.A. na noo'y Kura Paroko, ipinetisyon sa kapulungan ng mga obispo sa bansa na maging pambansang dambana ang halos apat na raang taong simbahan ni Sta. Ana. At sa pagpayag ng kapulungan matapos ang pagsusuri, idineklara ang simbahan bilang isang pambansang dambana noong ika-29 ng Oktubre taong 1991.


Ang Simbahan

   Ang Pambansang Dambana ni Sta. Ana ay mahahanap sa mataas na kapatagan sa kabayanan ng Hagunoy sa barrio ng Sto. Niño. Ang barrio na ito ang itinatratong sentro ng bayan kung saan nakaluklok ang bahay-pamahalaan at pamilihan. Inilipat ang Simbahan ni Sta. Ana rito noong taong 1748 sa kautusan ni Fray Eusebio Polo na noo'y Cura Parroco. Ngayon nagsisilbi itong sentro ng debosyon kay Apo Ana at San Joaquin sa bayan at sa buong bansa.


   Sa looban makikita ang retablo mayor ng Simbahan. Pinakabago ito sa maraming naging itsura ng retablo sa daan ng mga panahon. Ang huling pormang ito ay naiayos noong panunungkulan ni Rdo. P. Reymundo T. Mutuc (+) sa pagdiriwang ng ika-425 annibersaryo ng parokya noong taong 2006. Nakaluklok dito ang matandang imahen ni Apo Ana at Maria. Ang imaheng ito ay aabot na sa 170 taong gulang sa taong 2011. Dito mahahanap ang relikya ni Sta. Ana na nagmula pa sa Pandaigdigang Dambana ni Sta. Ana sa Beaupre, Canada. Marami ring palamuting makikita sa looban tulad ng mga miyural na mahahanap sa mga arkong sumusuporta sa simbahan. Makikita rito ang buhay at luwalhati ni Apo Ana at iba pang mga salaysay na nakapinta sa simbahan.


   Isa sa mga natatanging kayamanan ng simbahang batong ito ang mga mga pintuan na nagsisilbing tuluyan sa mga mananam-palataya. Ang mga antigong pintuan na ito ang marka ng kolonyal na sining na makikita sa mga lumang Simbahan. Sa dalawang pintuan sa gilid makikita ang mga santo at santang patron ng bayan tulad ni San Jose at ang Birheng Maria.

   Ang pintuan naman sa gitna ang naglalaman ng mga natatanging simbolo. Sa kaliwa makikita si San Agustin, ama at patron ng mga prayleng Agustino. Ang mga prayleng ito ang namuno sa sambayanang Katoliko ng Hagunoy sa loob ng 317 taon. Katabi naman nito ang isang hindi natukuyang Santo Papa. Ngunit tanda ito ng pagiging isa ng Santa Iglesiya sa ilalim ng Simbahang Katolika.


   Isa rin ang Simbahan ni Sta. Ana sa mga natatanging lugar kung saan makikita ang ilang kayamanan mula sa panahon ng mga Kastila. Dito makikita ang isang kopya ng orihinal na "Ama Namin" ng Doctrina Christiana na isinalin ni P. Juan de Villanueva. Nabubuhay pa rin dito ang mga sinaunang aklat ng binyag, kumpil, kasal at patay simula nuong taong 1775 matapos ang sunog sa unang Simbahan.


   Kasama rin dito ang iba't ibang mga luma at antigong gamit tulad na lang ng mga gamit sa misa at mga damit ng pari nuon pang ritong Tridentino. Maayos pa ang mga gamit na ito at maaari pang gamitin. Kasama din rito ang replika ng pinaka-unang retablo mayor ng Simbahan. Kasama sa replikang ito ang mga larawan tulad ng sa Birheng Maria, Papa Pablo VI at Pio XII.


   Marami rin itong laman na mga antigong imahen tulad ng mga anghel, lalo na ang iba't ibang itsura ni San Jose, kasama ang isang may sombrero na isang kakaibang kuha. Kasama rin dito ang ilan pang mga imahen ni Kristo tulad ng imahen ng Kristong nakapako at Kristong muling nabuhay. Ngunit ang pinakasikat dito ay ang imahen ni Apo Ana na dinadala tuwing prusisyon.


   Sa likuran ng simbahan naman makikita ang Libingang Bantayog ng Kapatirang Kapariang Taga-Hagonoy, Inc. Bilang isang Bayang Levitico, dito niluluklok ang mga labi ng mga namaya-pang paring anak-Hagonoy. Nakalista rin sa  kapilya ang mga pangalan ng mga buhay pang pari na kasalukuyang aabot sa 66. Sa ngayon 111 na ang lahat ng paring-anak ng bayan ng Hagonoy, patay at buhay.


Kapansin-pansin na sa itaas ng mga nakatalang mga pangalan sa gilid ng kapilya ay nakalagay ang sumusunod na mga kataga sa wikang Latin:

Vere dignum et iustum est,
aequum et salutare,
nos tibi semper et ubique
gratias agere
Domine, Sancte Pater,
omnipotens aeterne Deus!

Adorat exercitus
presbyterorum Hagonoyensium
ante conspectum tuum
in aeternitate laetantium.
Cum quibus et nostras voces
ut admitti iubeas, deprecamur!

Amang banal, 
makapangyarihan,
at walang hanggang Diyos,
tunay nga pong nararapat at magaling,
makabubuti't tumpak,
na Ikaw Panginoon ay aming pasalamatan
lagi at saanman!

Pangkat ng mga paring Anak-Hagonoy
sa harap Mo'y sumasamba,
nangagalak ng walang-humpay.
Samo namin,
aming mga tinig 
sa kanila'y marapatin
Mong isaliw!

Ito'y lubos na pananalangin ng sambayanan ng mga mananampalataya ng Hagonoy na Bayang Levitico. Sa pagpapalalim na ito ng pananalig ng mga magkababayan sa Diyos, sila'y nananalangin sa Kanya at sa pamimintuho sa Ina ng Bayan, si Apo Ana.

Mga Sakop na Bisita (6):

Bisita ni Sta. Monica, Ina ni San Agustin
Sta. Monica, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ni Sta. Monica ang isa sa mga pinakalumang simbahan sa buong bayan. Ito'y sapagkat ito ang dating simbahan ni Sta. Ana bago ito malipat sa mas mataas na lupa sa Sto. Niño. Makikita ang nananatili pa rin ang mga magagandang batong adobe na bumubuo sa simbahan. Pati ang mga pader ng patio ng simbahan ay makikitang may kaayusan dala ng pagpapanatili sa mga istrakturang ito.

   Sa loob, makikita ang orihinal na disenyo ng ayos ng retablo nuong panahon pa ng anak-Hagonoy na kura na si Rdo. Msgr. Jose B. Aguin-aldo. Ito ang krus na nakapaikot sa bilog na may mga dahon. Kamukha ito ng orihinal na disenyo ng retablo sa simbahang parokya na kasa-lukuyang nakadikit sa pader ng sakristiya ng parokya. Kapansin-pansin din ang mga mga bagong stain glass dito kasama ng ng altar.

Bisita ni San Jose, Esposo ng Mahal na Birheng Maria
San Jose, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ni San Jose ay isa din sa mga pinakamatandang bisita sa bayan ng Hagunoy na umaabot lagpas ng 100 taong gulang. Dahilan ng pagdiriwang na ito, pinabago ang patsada ng simbahan at ginaya mula sa Parokya ni San Matias sa Timauini, Isabela na isang natatanging simbahan. Makiikita naman sa stain glass na iniba sa orihinal na disenyo ang mag-amang Jose at si Kristo Hesus sa karpinterya.


   Sa loob naman ng simbahan, makikita ang panibagong retablo mayor ng bisita ni San Jose. Kasama rito ang panibagong pagkakaayos ng puon ni San Jose at Kristo sa gitna na pinaliligiran ng magandang pagkakaukit sa mga gilid. Panibago rin ang pagkakalagay ng stain glass ng mag-amang Jose at Jesus sa kanan at ng Mahal na Birheng Maria sa kaliwa. Ang altar rin ay bago na may ukit ng Huling Hapunan ni Kristo.

   Ang Kamatayan ni San Jose ang natatanging patron ng bisitang ito na ipinag-diriwang tuwing ika-19 ng Marso bawat taon. Natatangi din ang mga pagdiriwang sa barriong ito sapagkat ito ang may pinakamaraming pista sa lahat ng sakop ng parokya na umaabot sa 15. Marami rin ditong nanggaling na pari tulad ng sa Pamilya Santos. 

Bisita ni Sto. Niño de Hagonoy
Sto. Niño, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ng Sto. Niño, Hagunoy ang isa sa mga kakapagawa lamang na simbahan sa mga sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana. Makikita na iba ang pagkakagawa ng bisita sa iba pang mga simbahan. Naiiba ito sa lumang kampanaryo na kung saan kapansin-pansin ang kalumaan nito.


   Makikita na gawa sa stain glass ang likuran ng sanktuwaryo at sinisindihan ng ilaw upang magkaroon ng liwanag. Ipinapakita nito ang unang pagdating ng mga Kastila sa ating bansa kung saan ibinigay ng manlalakbay na si Ferdinand Magellan ang Sto. Niño ng Cebu sa magasawang Raha Humabon at Humamay nuong pagpunta nila sa isla ng Cebu nuong 1521. Dala ng unang pagkakataon ng pagpapalaganap ng pananampalataya, minarapat ding ito ang maging disenyo ng looban ng bisita. Dala rin ito ng pagiging isa sa mga unang lugar ng ebanghelisasyon sa bayan. Ang mga lugar malapit sa bisita tulad ng Sapang Pari ang unang dinaanan ng mga prayle nuong itinatag ang Simbahan sa Hagunoy.

   Sa gilid ng bisita makikita ang imahen ng Sta. Ana ng Sto. Niño na nagsisilbing patrona ng Kapatiran ni Sta. Ana sa barrio. Pinapakita lang nito ang lakas ng debosyon kay Apo Ana sa bawat lugar tulad ng mga barriong sakop ng parokya.


Bisita ni San Agustin, Pantas ng Simbahan
San Agustin, Hagonoy, Bulakan


Ang Bisita ni San Agustin, Pantas ng Simbahan sa barrio ng San Agustin ay isa sa mga kakaibang uri ng kapilya na mahahanap dahilan sa itsura nito. Nakaporma siya ng hugis-diamond na pinagigitnaan ng kampanaryo ng simbahan na pawang isang parola.

    Simple lang ang porma ng simbahan pagdating sa looban dala ng itsura ng sanktuwaryo. Ngunit pinalilibutan ang simbahan ng mga santong nasa iba't ibang maliliit na nitso na makikita sa lahat ng pader ng istraktura. Kasama sa mga santong ito ang mag-inang Agustin at Monica at pati na rin ang ibang mga patron at patrona ng barrio. Sa barriong ito ipinagpipista ang mga Agustinong santo para sa bayan ng Hagunoy tulad ng pista ni Sta Rita de Cascia.


Bisita ni San Sebastian, Martir
San Sebastian, Hagonoy, Bulakan


    Ang Bisita ni San Sebastian, Martir ng Simbahan ay isa ring kakaibang uri ng istraktura. Makikita ang paglalagay sa gitna ng patron na si San Sebastian na pinana habang nakatali sa puno bilang parusa dahil sa kanyang pananampalataya. Tulad ng santong ito, maraming mga tao sa lugar na iyon ang nagbibigay ng kanilang makakaya para umunlad ang pananampalataya.


   Sa loob naman ng simbahan makikita ang bakas ng disenyong arkitektural na mula sa panahon ni Msgr. Aguinaldo, ang krus ni Kristo na nakapagitna sa bilog. Mayroon naman itong pormal na disenyo dala ng mga haligi at ang porma ng Espiritu Santo sa itaas. Kapansin-pansin din ang imahen ng Birhen ng Barangay sa gilid ng sanktuwaryo. Isa siya sa mga patrona ng barrio sa Sitio Peralta at pinagpipista tuwing ikalawang Sabado ng buwan ng Abril taun-taon.

   Nasa gilid ng sanktuwaryo ang imahe ng Ina ng Laging Saklolo. Malakas ang debosyon ng mga mananampalataya ng San Sebastian sa Mahal na Ina sa kanyang titulong ito. Sa katunayan, madalas nagdadasal ang mga matatanda rito ng block rosary at nananalangin sa Panginoon sa pintakasi ng Ina ng Laging Saklolo. Ipinagdiriwang ang Anibersaryo ng Block Rosary sa kapilya tuwing ika-8 ng Setyembre at sa ibang mga sitio tulad ng Wawa 1, 2 at tuwing ika-17 ng Mayo. Tuwing ika-3 ng hapon araw-araw, maraming mga matatanda ang pumupunta sa simbahan upang manalangin ng banal na rosaryo.

Bisita ni San Nicolas de Tolentino
San Nicolas, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ni San Nicolas de Tolentino ay isa ring lumang simbahan dala ng maraming puno na tumubo sa mga tabi nito. Napapalibutan ang bisita ng mga buhangin at semento kaya naman mainit ang kapagiliran sa labas ng simbahan.


   Bagong pataas lamang ang bisitang ito kaya naman hindi pa siya napapalagyan ng sahig. Ngunit isang katangi-tanging bagay ukol sa payak na bisitang ito ang laman nitong mga kayamanan. Kasama rito ang mga antigong imahen ng mga santo na mga patron ng bisita. Sa kaliwa makikita ang antigong imahen ng Nuestra Señora dela Correa at sa kanan ang patron ng barrio na si San Nicolas de Tolentino.


   Makikita rin naman sa loob ng bisita ng San Nicolas ang imahen ni Sta. Ana ng San Nicolas. Bilang sakop ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana, kasama ang barrio ng San Nicolas sa mga mayroong Kapatiran ni Sta. Ana. Ngunit kakaiba ang imahen na ito sapagkat gayang-gaya ito ng Sta. Ana ng Beaupre na mahahanap sa Quebec, Canada na kung saan makikita ang Pandaigdigang Dambana ni Sta. Ana.





Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario

Sto. Rosario, Hagonoy, Bulakan




Kasaysayan ng Parokya:


Akda ni: Ronnel B. Perez (Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario)

Pangunang Detalye ng Kasaysayan

   Ang Parokya ng Nuestra Senora del Santissimo Rosario ay matatagpuan sa timog ng kabayanan ng Hagonoy. Kahit bago pa ito maging isang ganap na parokya, itinatag ang na ang kapilya ng Sto. Rosario nang may kahanga-hanga na istraktura, na binuo sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng iba't ibang pinuno ng mga baryo tulad ni G. Dionisio S. Santos. Katuwang ng bisitang ito ang ang mga bisita ng Mercado, Sta. Cruz, San Roque at San Pascual na ngayon ay bumubuo sa parokya. Lahat ng mga barriong ito ay bahagi na nang inang parokya ni Sta. Ana, na noo’y nasa pamumuno ni Rdo. P. Celestino Rodriguez. Buhat ng napakalaking populasyon ng Hagonoy, naging malinaw na hindi na ito maaaring mapailalim sa isang parokya lamang. Dito naganap ang plano na hatiin ang Sambayanan ng Diyos sa Hagonoy sa apat na parokya. Nguniy bago pa ang paglikha ng parokya sa Sto. Rosario, isang paring kapita-pitagan, si Rdo. P. Guillermo Tello ay itinalaga na sa bisita ng Sto. Rosario. Noong ika-16 ng Enero, 1952, ayon sa dekreto ng Lubhang Kgg. Gabriel Reyes, Arsobispo ng Maynila, ginawa itong isang ganap na parokya, ang Parokyang Nuestra Señora del Santisimo Rosario.

Ang Paggalaw ng mga Pastol ng Parokya

   Ang unang parokya pari ay si Rdo. P. Nicanor de Guzmán, na nanguna sa pagsasaayos ng pamayanan, tulad ng pagtatama sa kapistahan ng Mahal na Inang Sto. Rosario na nararapat sa buwan ng Oktubre. Naging makasaysayan ang unang kapistahan ng parokya sa pangunguna ni G. Victoriano C. Raymundo bilang unang Hermano Mayor. Kasama pa noon ang Kanyang Kabunyian, Lubhang Kgg. Rufino J. Kardinal Santos, Arsobispo ng Maynila noong Oktubre 1954. Noong Enero 195, naging Kura Paroko si Rdo. P. Leon s. Coronel na pumalit kay P. de Guzman. Noong Agosto 1958, pinalitan ni Rdo. P. Eliseo Peregrino si P. Coronel. Sa kanyang panunungkulan, ipinatayo niya ang sementeryong Katoliko sa Sto. Rosario bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga mananampalataya. Noong 1963 naganap ang proyektong ito mula sa lupang ibinigay ni Gng. Leoncia T. Cruz ng Sta. Cruz at sa pamamagitan din ng mga ibinigay ni Bb. Damasa Crisostomo. Sinundan ni Rdo. P. Severino Bautista si P. Peregrino na tumagal lamang ng dalawang buwan sapagkat namayapa siya agad sa panahong nasa parokya siya. Sinundan siyani Rdo. P. Pablo Dimagiba bilang Kura Paroko noong Hunyo 1963. Sa kanyang kapanahunan inayos ang mga programa sa paghubog tulad ng Cursillo. Sa pagkakalipat ni P. Dimagiba sa Pulilan, si P. Candido Ersando ang pumalit na Kura Paroko noong Mayo 1971 at sa kanyang panunungkulanan nagkaroon ng malaking espasyo sa simbahan sa tulong nina G. Antonio at Gng. Gleseria Reyes. Inilipat sa Parokya ni San Ildefonso si P. Ersando noong Mayo 1971 at pinalitan siya ni Rdo. P. Celerino Gregorio na nanungkulan noong Hulyo 1982. Pinalitan siya ni Rdo. P. Erasmo P. Lapig na nagtagal hanggang 1984. Si Rdo. P. Primitivo S. Vidallo naman ang naging Kura Paroko na nanguna sa pagtatayo ng isang grotto ng Mahal na Ina sa parokya. Si P. Jose I. Cruz naman ang pumalit sa kanya bilang Kura Paroko hanggang sa naging Kura Paroko si Rdo. P. Roberto G. Lunod noong 1992 na siyang nanguna sa pagtatag ng Marriage Encounter sa parokya. Sa kanyang kapanahunan din sinimulan ang pagpapatayo ng mga bagong istraktura sa simbahan, ngunit hindi niya ito natapos. Nahulog ang responsibilidad ng naganap kay Rdo. P. Vicente B. Lina Jr. na isa ring anak-Hagonoy na naging Bikaryo Poraneo din ng Bikarya ni Sta. Ana. Sa pagpapatuloy ng pagpapagawa sa parokya, nagkaroon ng disenyong baldochinno sa altar at nagkaroon ng Gothic towers ang simbahang parokya na pinasinayaan ng Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, D.D., Obispo ng Malolos noong ika-4 ng Enero, 2009. Noong Hunyo 2010, naging Paring Tagapamahala sa parokya si Rdo. P. Quirico L. Cruz na siyan nagpasimula sa pagpapagawa ng mga bisita at nagpalakas sa mga miyembro ng kabataan at ng Sangguniang Pastoral. Sa pagpapatuloy na ito nagiging matatag ang Sambayanan ng Diyos sa pamamatnubay ng mga pastol nito.

Ang Debosyon ng mga Mananampalataya ng Parokya

   Isa sa 26 sa bayan ng Hagonoy ang Barangay STO. ROSARIO, na patrona ng barriong ito ay ang Mahal na Birhen. Hindi tiyak ang tunay na pinagmulan ng imahen, hindi tiyak kung kailan, saan at sino ang gumawa nito. Ayon sa matandang kwento ng mga nakatatanda sa nayon, sa panahong nagsisimula pa lamang bumuo ng pamayanan ang mga taga nayon humigit kumulang sa pagtatapos ng ika-17 siglo. Isang taga-nayon ang hindi inaasahang nakatagpo sa may sasahan sa tabi ng ilog ng isang de bulto na imahen ng isang morenang babae na may dalang bata. Ito ay imahen ni Maria dala ang batang si Hesus, di tiyak kung anong titulo ng Mahal na Birhen mayroon ang imahen.

   Maaaring inisip ng mga taga-nayon na ito ay Birhen ng Rosario sapagkat tunay na kawangin ng Santo Rosario sapagkat tunay na kawangis ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario sa Orani sa Bataan. Mayroon naming agam-agam na kung ito’y galing sa Hagonoy ay maaaring ito ay Virgen dela Correa sapagkat noong mga panahong, iyon ang bayan na sakop ng mga paring Agustino, ngunit mas maaaring galing talaga sa Bataan at inanud ng kalakhan patungo sa baybayin ng Hagonoy, ang peninsula ng bataan nuon ay sakop naman ng mga paring Dominikano na siyang pinapatronahan ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario.

   Pagkatagpo ng imahen, nagpasya ang mga taga-nayon na magtayo ng bisita malapit sa mismong kinatagpuan ng imahen. Ang bisita ng Sto. Rosario na sakop ng Parokya ni Sta. Ana. Ipinangalan rin sa Mahal na Birhen ang nayon sakop ang mula sa pagbaba ng tulay sa Poblacion na ngayon ay San Jose hanggang sa dulo ng Dita na ngayon ay San Pascual. Ang nayon ng Sto. Rosario ay kinikilalang isa sa mga matatandang pamayanan sa ating bayan at ang debosyon sa morenang Virgen ng Rosario ng Hagonoy ay isa sa mga matatandang debosyong umiiral pa rin magpasahanggang ngayon sa leviticong bayan ng Hagonoy.

Ang Simbahan


   Ang Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario ay naitatag nuong 1951 sa kanlurang bahagi ng bayan ng Hagunoy, Bulakan. Ang simbahang makikita sa kasalukuyan ay bunga ng sakripisyo at pagmamatyaga ng mga mananampalataya sa pangunguna ng noo'y Kura Paroko na si Rdo. P. Vicente B. Lina, Jr. (2001 - 2009) na paring anak-Hagunoy. Disenyong Gothic ang ginawa para sa kasalukuyang simbahan at makikita sa disenyong ito ang bakas ng buhay ng Mahal na Birhen. Sa mga pintuan, makikita ang mga pangyayari sa pagiging ina ni Maria. Kapansin-pansin din ang pagkakaukit ng mga pangalan ng mga tumangkilik sa pagpapagawa ng Simbahan, si Bise Gob. (ngayo'y Gobernador) Wilhelmino at Kinatawan Ma. Victoria Sy-Alvarado na mga tubong-Sto. Rosario, Hagonoy.






   Makikita ang pagiging maka-Maria ng nasabing parokya dala ng asul na kulay sa loob at labas ng simbahan. Pinalibutan ng pigura ng kalangitan ang kisame at ang mga pader ng sanktuwaryo kung saan makikita ang ganda ng kaharian ni Kristo. Sa sanktuwaryo, makikita ang mga haliging dating nasa retablo ng Parokya ni Sta. Ana. Nakaluklok rito ang antigong imahen ng Mahal na Ina ng Santissimo Rosario at ang tabernakulo ng simbahan. Napapalibutan naman ito ng mural ng mga apostol na nagdiriwang sa pagbaba ng Espiritu Santo. Sa mga gilid naman tulad ng makikita sa ibabang larawan makikita ang mga stain glass tulad ng pag-akyat ni Kristo sa langit.


   Sa sanktuwaryo ng simbahan nakaluklok ang Mahal na Ina ng Santissimo Rosario. Sa orihinal na larawan ng imaheng ito, ang Mahal na Ina ng Pompei, makikita ang Mahal na Birhen na nagibibgay ng rosaryo sa dalawang santo na mahahanap sa magkabilang gilid ng altar: si Sto. Domingo de Guzman, ang fundador ng Orden ng mga Dominiko at si Sta. Catalina de Siena, isang Dominikanang madre at pantas ng Simbahan. Sa kanilang mga buhay at pag-aaral sumikat ang debosyon sa banal na rosaryo.




Mga Sakop na Bisita (4):



Bisita ng Nuestra Señora delos Remedios

Mercado, Hagonoy, Bulakan




   Ang Bisita ng Nuestra Señora delos Remedios ay isa sa mga lumang simbahan sa loob ng territoryo ng Parokya ng Mahal na Ina ng Santissimo Rosario. Kapansin-pansin ang pagkakahiwalay ng disenyo ng patsada sa disenyo ng kampanaryo. Naiiba ang kampanaryong ito at napakaluma ang pigura ng disenyong ito.


Makikita sa loob ng simbahan ang imahen ng Nuestra Señora delos Remedios na siyang patrona ng bisitang ito. Kasama niya ang imahen ni Apo Ana na patrona naman ng Kapatiran ni Sta. Ana ng Mercado. Bagamat hindi na ito bahagi ng Parokya ni Sta. Ana, malakas pa rin ang debosyon kay Apo Ana sa lugar na ito. 

Bisita ni San Roque, Manggagamot
San Roque, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ni San Roque, ang Manggagamot ay makikita sa islang barrio ng San Roque. Isa ito sa mga natatanging lugar kung saan ipinagdiriwang pa ang santo na naging sikat dala ng pagpaparangal rito ng mga prayleng Kastila sapagkat siya ay manggagamot.

   Si San Roque na manggagamot ay isa sa mga espesyal na patron na ipinagdiriwang ng mga taga-parokya. Ang imahen na ito na ginagamit sa prusisyon ay isa ding halimbawa ng laki ng pagbibigay parangal ng mga mananampalataya sa santong ito.

Bisita ni Sta. Cruz
Sta. Cruz, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ng Sta. Cruz ang isa pa sa mga natatanging mga simbahan dahil sa disenyo nito na kung saan dalawa ang kampanaryo ng simbahan. Mayroon rin itong mga maliliit na pintuan sa magkabilang panig sa harapan ng patsada na nakalubog dahil sa mga pagpapataas. Pinagawa ito ng dating Konsehala Teresita Raymundo-Cruz na kasalukuyang Camarera de Sta. Ana y Niña Maria de Hagonoy at aktibong miyembro ng Simbahang Katoliko sa Hagonoy.


Isa sa mga natatanging makikita sa loob ng bisitang ito ang altar na mula pa nuong panahon ng ritong Tridentino. Ito ang mga panahon na nakatalikod pa ang pari sa mga mananampalataya at nakatapat lamang sa tabernakulo ng simbahan. Nakatapat naman ito sa malaking krus ng Panginoon na siyang patron ng simbahan.

Bisita ni San Pascual Baylon
San Pascual, Hagonoy, Bulakan


   Ang Bisita ni San Pascual Baylon ay isa sa mga naging sikat na simbahan dahilan sa pagkakagaya nito sa Parokya ni San Pascual Baylon sa Obando, Bulakan. Ipinangalan ni P. Mariano Sevilla ang barriong ito kay San Pascual sapagkat nuon ang pangalan nito ay Dita, na ipinangalan sa punong may dahon na maaaring makapagpalaglag sa bata kapag ginawang tsaa. Kaya naman ipinangalan ito sa santong dinadalangin para sa pagkakaroon ng anak. Sa kasalukuyan ginagawa ang simbahang ito at kasama rito ang mga sikat nitong mga higanteng mga imahen ng Mahal na Ina ng Lourdes at iba pang santo.


   Ipinagpipista sa kapilyang ito ang maraming santo na mula sa bayan ng Obando na noon ay hawak ng mga paring Pransiskano: ang Mahal na Birhen ng Salambao, si Sta. Clara de Asis, San Francisco de Asis at San Pascual Baylon. Sa loob ng halos 100 taon, nananatiling tanda ang lugar na ito ng taimtim na debosyon ng mga mananampalataya dito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento